Thursday, November 27, 2008

Litratong Pinoy #35: Ang Pagwawagi!

Yan ang akala ko nang makuha ko ang stub na ito mula sa drumstick na aking binili kamakailan lamang. Palibhasa'y hindi ako nakakabasa ng Instik kaya't napagkamalan kong instant win ng HKD 20K ang kapirasong papel na ito. Ngunit ayon sa pagsasalin ng ka-opisina kong Intsik, wala akong napanalunan... Ito ay isang payak na halimbawa ng isa sa mga pagsubok na kailangang harapin ng isang OFW. Kailangan mong kapain unti-unti ang kultura ng iba. Ang wika nila. Ang pamamaraan ng pagsulat. Ang mga kakaibang tradisyon. Maski ang sense of humor minsan ay hindi mo maintindihan. Minsan kahit pa naisin mong mapabilang ay hindi talaga uubra at hindi ito maaring maging ganap. Mananatili kang tagalabas sa kanilang mga mata. Iyan ang nakalulungkot... Tunay na mahirap maging isang nandarayuhang manggagawang Filipino. Maaring wagi ka sa pangangailangan pinansiyal ngunit talunan ka naman dahil malayo ka sa mga mahal mo sa buhay... Kaya't sana naman ay magtino na ang ating pamahalaan para hindi na kailanganing lumayas ng mga Filipino sa ating sariling bayan. Kapag nangyari iyon, tayong lahat ay wagi.

9 comments:

Anonymous said...

amen, kapatid.

bagaman hinihirang ng pamahalaan na bagong bayani ang mga OFW, sa aking palagay, mas marapat na hindi na kailanganing lumisan pa ang mga kababayan natin- para dito sa Pilipinas madama ang kanilang kalinga... matamasa ang kanilang talino... mapakinabangan ang kanilang galing...

gayunpaman, saludo ako sa mga nakatatagal sa piling ng mga banyaga; ang limang linggo kong pag-aaral nun sa Europa, sakdal-lungkot. mamamatay siguro ako kapag binunot ako sa pagkakatindig ko sa Pilipinas...

Anonymous said...

Katulad mo, naramdaman ko ng halos sa loob ng isang dekada kung paano maging 'taga labas' sa ibang bansa. Gaya mo ay naging OFW at kinailangan makibagay sa lahat ng oras. Malungkot na katotohanan pero marami sa atin ay kinailangan na iwan ang pamilya para lamang makapagtrabaho at kumita ng pera.
Pamahalaang Pilipino, magbago? Ewan ko na...sana...

Marites said...

tunay ka, nakaramdam din ako niyan sa pagbibiyahe sa ibang bansa kahit na sabihin na nagpapakita sila ng paggalang, hindi pa rin maiiwasan na ang tingin nila ay iba ka sa knila. Sa tingin ko, hindi magbabago ang mga masasamang tao sa gobyerno kung ang sambayanan ay hindi marunong kumondena at ipaglaban ang nararapat. Kaya dapat, nasa atin magsimula ang pagbabago, pagkokondena at pakikpaglaban sa kasamaan at katiwalian laban sa mga masasamang taong nasa puwesto.

Anonymous said...

iyon din ang kagandahan ng magkaroon ng chance na makapunt sa ibang bansa,magtrabaho man o manirahan,marami kang matututunan tungkol sa iba ibang kulture.

Joe Narvaez said...

ian: Kumusta? Hindi talaga tama kung patuloy na lilisan ang mga Filipino para lang maghanap ng kabuhayan sa ibang bansa. Patunay lamang ito kung gaano ka-inutil ang ating pamahalaan.

Thess: May pagasa pa naman siguro ang mga susunod na gobyerno---itong kasalukuyan ay wala na. Sana lamang ay buhay pa tayo kapag dumating ang araw na iyon.

Marites: Mahusay ka! Kailangan talaga nating magbantay at kumilos kung kinakailangan.

FickleMinded: Kumusta? Salamat sa pagbisita!

 gmirage said...

Totoo ka! Hindi ka wagi dahil sa pagkalungkot na nadarama sa pagkalayo sa pamilya...=( At shempre, ang mga pinoy ang talo dahil sa mga di sakdal na pamumuno ng gobyerno, ganun talaga, dahil hindi perpekto walang magiging maayos na gobyerno, kahit na hindi corrupt, di masosolusyunan ng mga tao lamang ang problema sa pagkain, sakit, kahirapan, gyera at kamatayan...

Joe Narvaez said...

mirage2g: Talo talaga. Maraming salamat po sa pagdalaw.

Reena said...

i'm curious. so what did the writings say?

Joe Narvaez said...

Hi Reena! I forgot hehe. It was a raffle stub I think... but I need to purchase some pizza first... Medyo nalabuan din ako hehe.