Sa kalye Wang Lok (dito sa Hong Kong) ay malimit akong makakita ng mga sofa na mukhang pinagsawaan na ng dating may-ari. Iniiwanan lang nila sa tabing kalsada. Pagpapaliwanag sa akin nung kaibigan kong Intsik, ang ibig sabihin ay maari na itong kunin ng maski sinong mapaibig. Nakakapagtaka dahil ang sofa sa larawan sa itaas ay ilang buwan nang nakababad sa tabi ng fire hydrant ngunit wala pa ring kumukuha, bagaman mukhang bago pa at walang sira. Kaunting punas lang ay di mo na halata na dinampot lang sa tabing-kalsada. Naisip ko tuloy, kung sa Pilipinas ito nangyari, tiyak na mabilis pa sa alas-kwatro ay naiuwi na yan agad. Kung sino man ang maswerteng makauna ay siguradong may maipagmamalaking "bagong" sofa.